Mariing tinutulan ng lokal na pamahalaan ng Lobo, Batangas ang planong dredging sa Lobo river kasunod ng presensya ng isang Chinese ship sa baybayain nito.
Sa ulat ng pahayagang Inquirer, nagulat na lamang aniya si Lobo Mayor Jurly Manalo sa pagdaong ng MV Emerald dredger ship para sa planong hukayin ang Lobo river bilang bahagi ng flood control project at pagkuha ng buhangin nito para sa gamitin sa itatayong Hong Kong International Airport Three Runway System Project.
Ang naturang kasunduan di umano ay pinasok ng kumpanyang Seagate Engineering and Buildsystems at ng dating alkalde ng naturang bayan noong 2008.
Kumpleto rin aniya sa papeles ang kasunduan gaya ng environmental compliance certificate mula sa Environmental Management Bureau.
Sa kabila nito, nanindigan ang alkalde na hindi niya papayagan ang dredging activity sa ilog dahil posibleng mag-collapse ang kanilang dike kung itutuloy ito.
Pinalagan din ng mga mamamayan ng Lobo ang pagbaba ng ankla ng naturang barko limang daang (500) kilometro lamang sa tabing dagat na posibleng makasira sa mangrove reserve sa lugar.
Aprubado umano ng Lobo LGU-Southern Luzon Command?
Pinayagan umano ng lokal na pamahalaan ng Lobo Batangas at ng Filipino company na Seagate Engineering and Build Systems ang ginawang paghuhukay ng Chinese vessel na M/V Emerald sa bahagi ng marine protective area ng nasabing bayan.
Ito ang kinumpirma ni Southern Luzon Command, Commander Lt. Gen Gilbert Gapay kasunod aniya ng pag-apruba ng Lobo LGU at Seagate Engineering sa kontrata para sa dregding at desalting ng Lobo river.
Dagdag ni Gapay, pinayagan din aniya ng Philippine Ports Authority ang pagtungo ng nasabing barko sa Lobo Batangas bukod pa sa special pemit for utilization ng Maritime Industry Authority.
Batay sa report ng PNP Batangas, alas-5:00 ng hapon noong Marso 29 nang i-report ng mga barangay officials ang ginagawang dredging ng isang Chinese vessel sa Lobo Batangas.
—-