Natapos na ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) line 3 ang testing sa mga tren nito na may 4 na bagon.
Ito’y upang mapataas na ang kapasidad ng kanilang mga tren at upang makasunod din sa pagpapatupad ng new normal.
Ayon kay MRT Director for Operations Engr. Mike Capati, nakapasa naman ang mga train set ng MRT sa kanilang linya kahit ginawa nang 4 mula sa kasalukuyang 3 ang mga bagon nito.
Pinangunahan ng service provider ng MRT na Sumitomo Heavy Industries ang testing sa mga trainset na may 4 na bagon upang tiyaking ligtas at naaangkop ito sa sistema.
Paliwanag ni Capati, kaya 3 bagon lang ang tumatakbo buhat nang magsimula ang operasyon ng MRT ay dahil sa maikli ang park off point nito sa mainline.
Subalit dahil sa ginawang rehabilitasyon sa buong linya ng MRT, sinabi ni Capati na posible na ang 4 na bagon sa isang train set kaya’t asahan na ang mas maraming maisasakay nito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)