Pabor ang Department of Tourism (DOT) sa plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pag-isahin ang hihinging travel requirements at protocols sa mga lokal na pamahalaang mayruong tourist destinations.
Ito’y upang mahikayat ang mga Pilpino na bumisita sa mga kilalang destinasyon sa bansa sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic na layong buhayin muli ang ekonomiya gayundin ang turismo sa bansa.
Ayon kay Tourism Usec. Benito Bengzon, malaki aniya ang maitutulong ng planong ito ng dilg sa sektor ng turismo lalo’t pagagaangin nito ang pasanin ng mga lokal na turista sa kanilang pagbiyahe.
Lumabas aniya sa isinagawa nilang survey na 81% ang nagsabing hindi kumbinyente ang bumiyahe sa ngayon dahil sa magkakaibang protocol na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan.
Habang 68% naman umano sa mga tinatawag na respondents ang nagsabing ang mahal na COVID-19 testing ang pumipigil sa kanila na bumiyahe sa mga dinarayong lugar sa bansa ngayong panahon ng pandemic.