Suportado ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang panukalang itaas sa Alert level 2 ang kasalukuyang Alert level system na ipinapatupad sa National Capital Region.
Tugon ito ni Sotto sa pahayag ni health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng isailalim muli ang Metro Manila sa Alert level 2 sakaling tumaas pa ang kaso ng COVID-19.
Gayunman, nilinaw ng senador na anumang gagawing pagbabago sa Alert level status sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay dapat nakabase sa mga datos at siyensya.
Iginiit naman ng mambabatas na ang mga planong paghihigpit sa patakaran na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic ay dapat pag-usapang mabuti ng National at Local Government Units. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)