‘Welcome’ sa Department of National Defense o DND ang plano ng Senado na imbestigahan ang Frigate Acquisition Project ng Philippine Navy.
Sinabi ni Defense Spokesman Arsenio Andolong na matagal na nilang hinihintay ang ganitong pagkakataon kung saan mailalabas ang katotohanan sa nasabing usapin.
Nagsimula ang kontrobersya nang sibakin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang dating hepe ng Navy na si Vice Admiral Ronald Joseph Mercado dahil umano sa insubordination na naging dahilan din nang pagka-antala ng proyekto.
Lumalim ang kontrobersya nang madawit sa isyu si Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong’ Go na umanoy nakialam sa naturang proyekto.
Una nang inihayag ni Go na handa siyang humarap sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagbili ng Philippine Navy ng barko na nagkakahalaga ng 15.7 bilyong piso.