Nagtataka si Senador Leila De Lima kung saan nanggaling ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na yellow group ang nasa likod ng planong pagpapatalsik sa kanya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Ayon kay De Lima, malamang ay bunga lang ito ng wild imagination ng Administrasyong Duterte.
Binanggit din ng Senadora na dahil miyembro siya ng Liberal Party, baka inakala ng administrasyon na ang ginagawa niyang imbestigasyon sa extra-judicial killings, gayundin ang pagpuna at pagsasalita sa ilang mga isyu ay bahagi ng planong pagpapatalsik sa Presidente.
Iginiit pa ni De Lima na hindi nagmi-meeting ang Liberal Party kaya’t hindi niya alam saan kinuha ng Pangulong duterte ang nabanggit na impormasyon at may posibilidad na ang source nito ay ang gumawa ng anito’y palpak na matrix na nag-uugnay sa kanya sa illegal na droga.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno