Pinaiimbestigahan ng grupong Bayan Muna sa Committee on Agriculture and Food ang pag-apruba ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA) sa importasyon ng 200,000 metriko toneladang asukal.
Ito’y upang masolusyunan ang umano’y kakulangan ng asukal sa bansa dulot ng pinsala ng bagyong Odette.
Ayon sa grupo, salungat ito sa ulat ng SRA na 42% ang itinaas sa produksyon ng refined sugar ngayong taon kumpara sa suplay noong 2021.
Giit pa ng grupo, nagdudulot ito ng banta sa industriya ng asukal na humahadlang sa interes ng mga local producer sa Pilipinas.
Una nang dinepensahan ni da Secretary William Dar ang importasyon ng asukal, na suportado anila ng datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) at tanging refined sugar ang aangkatin ng bansa. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)