Nanindigan ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa plano nitong mag-angkat ng 200,000 metrikong toneladang asukal.
Ito’y sa gitna ng mga temporary restraining order (TRO) ng dalawang korte sa Negros Occidental dahilan upang maudlot ang planong importasyon.
Ayon kay SRA Administrator Hermenegildo Serafica, isa ang importasyon sa pinaka-epektibong paraan upang harapin ang mga epekto sa sugar industry ng bagyong Odette na humagupit sa Visayas, Mindanao at ilang bahagi ng Luzon noong isang taon.
Ipatutupad sana ang Sugar Order 3 sa Marso upang matiyak na sapat ang supply ng asukal para sa beverage at confectionary industry.
Bibili sana ang industrial users ng 200,000 metric tons ng imported na asukal, kung saan ang kalahati nito ay gagamitin ng malalaking softdrinks manufacturer habang ang nalalabing 100,000 metric tons ay para sa food processors.
Dapat anyang i-balanse ang domestic supply at tiyaking sapat ito para sa food security at mapatatag ang presyo.