Makikipagpulong si DILG o Department of Interior and Local Government Secretary Mike Sueno sa mga matataas na opisyal ng Senado at Kamara.
Ayon kay Sueno, tatalakayin sa nasabing pagpupulong ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint ng mga officer-in-charge sa mga barangay, kesa ituloy ang barangay at SK elections sa Oktubre.
Una nang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na kailangan ang isang batas at hindi pwede ang isang presidential decree lamang para sa pagpapalit ng mga opisyal ng barangay.
COMELEC
Samantala, itutuloy pa rin ng COMELEC o Commission on Elections ang preparasyon para sa barangay at SK o sangguniang kabataan elections sa Oktubre.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na hangga’t walang naipapasang batas ang Kongreso na magpapaliban ng eleksyon, tuloy ang kanilang paghahanda sa halalan alinsunod sa Republic Act 10923.
Una nang ipinagpaliban ng COMELEC ang barangay at SK elections noong October 2016 at iniurong ito sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Kamakailan lamang ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas makabubuting ipagpaliban muna ang halalang pambarangay sa pangambang ang mga pulitiko na pinondohan ng mga drug lord ang manalo sa nasabing eleksyon.
By Meann Tanbio