Mapanganib para sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isama ang social media sa pangangasiwaan nito sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Communications, labag sa saligang batas ang nasabing plano ng AFP dahil bukas na bukas ito sa pang aabuso.
Binigyang diin ni Maralit na mahirap paniwalaan ang tunay na layunin ng nasabing batas lalot patuloy aniya ang pamamayagpag ng subjective brandings lalo na sa mga indibidwal at institusyong bumabatikos sa pamamahala ng gobyerno.
Tinukoy ni Maralit ang pagturing sa healthworkers na rebolusyunaryo dahil lamang sa paghahayag ng kaniyang mga hinaing kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Malalabag aniya ang karapatang pantao ng isang indibidwal na pinaghihinalaang terorista kung walang matibay na ebidensya at walang arrest warrant.