Siguradong makakabuwelo ng husto ang modernisasyon ng Armed forces of the Philippines sa sandaling payagang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng armas sa Amerika.
Reaksyon ito ng DND o Department of National Defense sa pahayag ng pangulo na posibleng bumili na uli ang bansa ng armas sa Amerika dahil may mga bago na silang panuntunan hinggil dito.
Ayon kay Director Arsenio Andolong, spokesman ng DND, lalong magkakaroon ng momentum ang AFP modernization sa sandaling basbasan ng pangulo ang pagbili ng armas sa Amerika.
Maliban sa mga armas, plano rin ng DND na bumili ng 16 na black hawk helicopters at karagdagang aerial vehicles o drones mula sa Amerika.
Matatandaan na ipinatigil ni Pangulong Duterte ang pagbili ng armas sa Amerika noong 2016 matapos kuwestyonin ng ilang mambabatas ng U.S ang pagbebenta ng armas sa Pilipinas sa harap ng anilay talamak na kaso ng paglabag sa karapatang pantao.