Binigyang linaw ni Pangulong Duterte na biro o ‘joke’ lamang ang banta niya noon na buwagin ang CHR o Commission on Human Rights.
Sinabi ng Pangulong Duterte na kailangan pa rin niya ang Kongreso para ma- abolish ang CHR at isa itong institusyon na ginawa sa ilalim ng konstitusyon.
Matatandaang sinabi ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address o SONA na makabubuting i-abolish na ang CHR dahil sa madalas na pagbanat nito sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.
Samantala, idinagdag at nilinaw rin ng Pangulo na biro lang ang sinabi niya noon na dapat ay magpaalam muna sa kanya ang Office of the Ombudsman bago imbestigahan ang kanyang mga opisyal lalo na ang mga pulis at militar.
Samantala, ikinatuwa naman ng CHR ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na biro lamang ang naging banta nito na bubuwagin ang komisyon.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie de Guia, nagpapatunay lamang ito na ng komisyon ay itinatag sa ilalim ng Saligang Batas.
Ipinakikita rin aniya dito ang pagpapahalaga sa rule of law at karapatang pantao.
“Ikinagagalak po ng CHR ang naging pahayag ng administrasyon na hindi po bubuwagin ang CHR at we welcome that pronouncement, yan po ay pagpapatunay ng privacy ng ating Saligang Batas, pagpapahalaga sa rule of law at sa human rights.” Pahayag ni De Guia
Tiniyak din ni De Guia na patas ang kanilang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa madugong pagsalakay sa tahanan ng mga Parojinog sa Ozamiz City noong nakaraang linggo.
Kasunod na rin ito ng pag-depensa ni Pangulong Duterte sa mga pulis na nagsagawa ng nasabing raid.
“Nirerespeto po natin ang naging pahayag ng administrasyon gayunpaman may nakasaad na tungkulin ang CHR sa konstitusyon, rest assured naman po na patas at walang kinikilingan ang ating imbestigasyon, yung pagkuha ng panig ng pulisya ay pagkilala ng karapatang mabigyan sila ng pagkakataon na depensahan nila ang sarili.” Pahayag ni De Guia
By Arianne Palma / Krista de Dios / Ratsada Balita Interview