Bahagi ng streamlining at walang kinalaman sa pulitika ang plano ng gobyerno na buwagin ang PCGG o Presidential Commission on Good Government at ilipat ang functions nito sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang Office of the Solicitor General ang hahawak sa kasong ill-gotten wealth ng pamilya Marcos kasama na ang administrative function ng komisyon.
Wala aniyang nakikitang magiging epekto o pagbagal sa pag-rekober ng ill-gotten wealth sa kabila ng maraming kasong hinahawakan ng DOJ.
Ipinabatid ni Abella na batay sa posisyon ng Office of the Solicitor General, kaya naman aniya nilang hawakan ang mga kaso kahit pa mangangahulugan ito ng dagdag na trabaho para sa kanila.
Una rito, nagpahayag ng agam-agam ang ilang sektor na baka mabalewala ang paghahabol sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos dahil malapit umano sa kasalukuyang administrasyon ang mga Marcos.
- Meann Tanbio | Story from Aileen Taliping