Plano ng Maute-ISIS na gamitin ang kanilang mga bihag bilang suicide bombers sa oras na ma-corner ng mga tropa ng gobyerno sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito ang inihayag ng mga hostage na sina Romar Marjalino, kapatid na si Roel at Jimmy Esperat na nakatakas mula sa kamay ng mga terorista.
Ayon sa tatlo, sapilitang pagsusuotin ng mga bandido ang mga bihag ng mga vest na kinabitan ng improvised explosive devices o IEDs.
Gayunman, wala pa naman anilang ipinasusuot na vest ang mga Maute sa kanilang 46 na hostage.
Kabilang sa mga bihag ang paring Katoliko na si Chito Suganob na inutusan ng Maute na mangolekta ng pulbura mula sa piccolo, five star at iba pang pampasabog upang gamiting IED.
Father Suganob
Nanatiling buhay si Father Chito Suganob na bihag pa rin ng mga Maute Group sa Marawi City.
Ito ang kinumpirma ng mga nakatakas na hostage ng naturang teroristang grupo matapos na lumangoy sa Lake Lanao.
Ayon sa isa sa mga nakatakas na hostage na si Rumar Marjalino, huli nilang nakita si Suganob na inuutusan ng Maute na magtanggal ng pulbura sa mga ninakaw na paputok mula sa mga tindahan para gawing mas malakas na pampasabog.
Aniya, higit 40 mga sibilyan pa ang hawak ng mga Maute kung saan 20 sa mga ito ay mga kababaihan na halinhinang ginagahasa.
Sinubukan umano nilang ayain na tumakas ang pari ngunit tumanggi ito dahil hindi niya maiwan ang iba pang mga bihag.
By Drew Nacino