Nagpahayag ng pagkabahala si Pagasa Island Mayor Wilfredo Bito-onon Jr. kaugnay sa plano ng libu-libong kabataan na maglayag patungo sa kanilang isla para doon manirahan.
Layunin ng nasabing hakbang ang pagpapakita ng puwersa ng mga kabataang Pilipino para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa mga sinasakop na isla sa West Philippine Sea.
Bagama’t welcome kay Bito-onon ang magandang hangarin ng mga kabataan ngunit hindi niya masasagot ang kaligtasan ng mga ito dahil sa mapanganib nang magpunta sa kanilang isla sa kasalukuyan maliban pa sa hindi rin kakayanin ng kanilang isla ang napakaraming mga bisita.
Una nang nagpahayag ng pagtutol ang Western Command ng AFP sa hakbang ng mga kabataan sa paniniwalang makapagpapalala ito sa umiiral na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa pinag-aagawang teritoryo.
“Ako naman ay kung ano puwedeng sabihin na polite way of saying no, kasi yung 10,000, ang isang cruise ship 2,500 lang ang karga nun eh, so ilang cruise ship yun? bastante ba yung logistics nila, yung sponsor nila? eh mga kabataan yan eh, sa paglalayag ngayong amihan mula Manila papuntang Kalayaan, kung maliit na barko lang ang sasakyan nila di suicide yun, maalon ngayon eh, pangalawa kung anong mangyari sa kanila halimbawa nadisgrasya, 500 o 300, hindi ko sila kayang saklolohan, san ako pupunta, san sila tatakbo?” Pahayag ni Bito-onon.
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita