Malaki ang maitutulong sa pag-akit o paghikayat ng mga turista na bumisita sa bansa ang planong mas luwagan pa ang paggamit ng face mask.
Reaksyon ito ni Senador Grace Poe sa Executive Order na inilabas ni Pangulong Bongbong Marcos kung saan gagawin ng boluntaryo at hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa indoor spaces.
Ayon kay Poe, kaisa siya ng pamahalaan sa hangaring muling buhayin ang ekonomiya matapos maapektuhan ng Covid-19 pandemic.
Sa pagpapaluwag anya ng regulasyon sa paggamit ng mask, maraming ma-e-engganyong bumisita sa bansa at maging aktibo muli ang ekonomiya na kalauna’y magbibigay trabaho sa mga Pilipino.
Gayunman, pinayuhan ng senador ang publiko na manatiling sumunod sa minimum health protocols at ipagpatuloy ang laban sa virus hanggang tuluyan na itong matuldukan.
Samantala, inihayag naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat na talagang matuto ang publiko na mamuhay kasama ang Covid-19 virus. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)