Kinundena ng human rights group na Karapatan ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na paliwigin ng isang taon ang Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Karapatan Secretary-General Cristina Palabay, isang peligrosong hakbang patungo sa deklarasyon ng batas militar sa buong bansa ang desisyon ni Pangulong Duterte.
Ito, anya, ay kahit pa nagtapos na noong Oktubre ang bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at Maute-ISIS sa Marawi City, Lanao del Sur na tumagal ng limang buwan at nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 1000 katao.
Kinuwestyon din ni Palabay ang naging batayan ng Pangulo upang palawigin ang martial law at ibinabalang sa oras na aprubahan ito ng Kongreso ay maaaring magbigay daan ito upang isailalim din sa batas militar ang buong bansa.