Tinawag na desperadong hakbang ng isang Lider ng Kamara ang planong patakbuhin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa 2028 presidential elections.
Kasabay nito, kinondena ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang nasabing hakbang ng mga kritiko ng administrasyon sa pagsasabing isa itong pagbalewala sa itinakdang limitasyon ng konstitusyon.
Ipinaalala ni Rep. Ortega na batay sa 1987 constitution mahigpit na ipinagbabawal ang muling pagtakbo sa halalan ng isang dating pangulo maliban na lang kung amyendahan ang saligang batas.
Nagbabala rin sa publiko ang House Deputy Majority Leader na huwag magpalinlang sa ganitong uri ng manipulasyon sa pulitika na isa aniyang malinaw na halimbawa ng “pambubudol.”
Ikinababahala rin ng Mambabatas ang lantaran aniyang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagpapaniwala sa mga Pilipino na maaari pang tumakbo si dating Pangulong Duterte sa 2028 bilang presidente. – Sa panulat ni John Riz Calata