Kinontra ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ang plano ng Duterte Administration patawan ng mas mataas na buwis ang mga bagong sasakyan.
Ayon kay Lagman, mag-reresulta ito sa mas mataas na presyo ng mga sasakyan na maka-aapekto naman sa mga middle at upper-income earner.
Mapipilitan din anya ang mga motorista na ipagpatuloy ang paggamit ng mga lumang sasakyan subalit nakasasama sa kapaligiran habang posibleng bumaba ang sales ng mga nasa automobile industry at maaaring maraming mawalan ng trabaho.
Ang mas mataas na car tax ay bahagi ng tax reform package ng administrasyon na isinumite ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Kamara at Senado noong isang linggo.
Gayunman, iginiit din ni Lagman na ang nasabing reporma sa buwis ng administrasyon ay “anti-poor at anti-marginalized” dahil sa planong buwisan ang holiday, overtime, night shift differential, hazard at 13th month pays ng low-income earners at tanggalin ang value added tax exemption ng mga persons with disabilities at senior citizens.
By: Drew Nacino