Bahala na ang National Bureau of Investigation (NBI) kung isasama nito sa kakasuhan ang mga miyembro ng Army na unang rumesponde sa lugar kung saan napatay ng mga pulis ang apat nilang kasamahan sa Jolo, Sulu nuong Lunes.
Ito ang inihayag ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director P/BGen. Manuel Abu nang ihayag nito ang planong pagsasampa ng kaso laban sa mga sundalo tulad ng obstruction of justice.
Magugunitang inamin ng Philippine Army na nagkaroon nga ng lapses at na-contaminate ang crime scene matapos i-secure ng mga ito ang kagamitan ng mga kasamahan nilang napatay.
Giit ni Army spokesman Col. Ramon Zagala, wala naman kasing mga pulis na naglagay ng kurdon sa lugar matapos ang pinalulutang nilang engkuwentro kung saan, nakababa ang baril ng mga sundalo at nakahandusay na ang mga ito.
Magugunitang nagviral ang video post ni dating AFP chief of staff Retired Gen. Ricardo Visaya hinggil sa nangyaring desecration ng mga aniya’y pulis sa crime scene, bagay na nilinaw ng Army na mga tauhan nila ang mga iyon.