Haharangin ng Bayan Muna ang plano ng SSS o Social Security System na itaas ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS simula sa buwan ng Mayo ng taong ito.
Ayon kay Congressman Carlos Isagani Zarate, kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, walang dahilan ang SSS para itaas ang kontribusyon dahil umaabot sa mahigit 300 bilyon ang mga pautang nito mula sa mga kumpanyang delingkwente sa pagbabayad o pagre-remit ng kanilang kontribusyon.
Sinabi ni Zarate na mula sa 34 na miyembro ng SSS, nasa labing limang (15) milyon lamang ang tapat na nagbabayad ng kanilang kontribusyon.
P2,000 hike
Kaugnay nito, tiniyak din ng Bayan Muna ang pagbabantay sa pangako ng Duterte administration na ibigay ang kabuuang P2,000 dagdag na pensyon para sa mga pensyonado ng SSS.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate, malinaw ang pahayag ng administrasyon na ibibigay nila ang kabuuan ng 2,000 kapag naipatupad na ang mga repormang dapat gawin sa SSS.
Ngayong Enero na epektibo ang 1,000 dagdag na pensyon ng mga pensyonado ng SSS at panibagong 1,000 pagsapit ng 2019 o 2022.
Delinquent members
Samantala, paiigtingin ng SSS o Social Security System ang paghahabol sa mga delingkwenteng employers na hindi nagreremit o nagbabayad ng SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, isa lamang ito sa serye ng mga reporma na isusulong ng SSS upang mapasan ang dagdag na pensyon para sa mga pensyonado ng SSS.
Ang mga inilatag na reporma anya na tinalakay nila sa cabinet meeting ang nagpabago sa isip ng Pangulong Rodrigo Duterte kayat inaprubahan na nito ang SSS pension increase.
Kasabay nito, tiniyak ni Diokno na hindi gaanong mararamdaman ng mga miyembro ng SSS ang 1.5 percent increase sa kontribusyon nila sa pension fund.
Sinabi ni Diokno na sa Mayo pa planong ipatupad ang increase sa SSS contribution kasabay ng pagpasa sa tax reforms na inaasahang magpapababa sa income tax.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita