“God forbid” ang nasambit ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sakaling italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang kapalit niya sa puwesto ang dati nitong abogado na si Atty. Edna Batacan.
Ayon kay Morales, hinukay ni Batacan ang sarili niyang libingan sa mga naging sagot nito sa panayam sa kanya ng JBC o Judicial and Bar Council.
Tinukoy ni Morales ang pag-amin ni Batacan na nakaladkad ang kanyang pangalan sa corruption noong magsilbi itong abogado ng Office of the Ombudsman.
Maliban dito, inakusahan pa anya ni Atty. Ferdie Topacio si Batacan ng panghihingi ng walong milyong piso sa isang kliyente para i-dismiss ng Ombudsman ang kasong kinakaharap ng kliyente pero hindi ito nangyari.
Binigyang diin ni Morales na ang Ombudsman ay dapat maging tapat, maaasahan o competent at masipag.
Nakatakdang magretiro bilang Ombudsman si Morales sa Hulyo 26.
Maliban kay Batacan, ang iba pang nagpahayag ng pagnanais maging Ombudsman sina Labor Secretary Silvestre Bello III, Supreme Court Associate Justice Samuel Martirez, Sandiganbayan Associate Justice Efren Dela Cruz, Dating Sandiganbayan Presiding Justice Edilberto Sandoval, Judge Carlos Espero II, Atty. Nathaniel Ifurung, Rainier Madrid, Felito Ramirez at Rex Rico.