Napigilan ng mga tropa ng pamahalaan ang planong pambobomba ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Zamboanga City.
Ito ay matapos na madakip ng pinagsanib na pwersa ng Joint Task Force Zamboanga at Zamboanga City Police laban sa dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group na sina Omar Askali alyas Ayub at Mukaram Sapie alyas Mukram.
Ayon kay Joint Task Force Zamboanga Commander Colonel Leonel Nicolas, kanilang ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report sa planong pagpapasabog ng Abu Sayyaf sa ilang pampublikong lugar sa lungsod ng Zamboanga.
Si Askali, na kilalang tagasubaybay ni Abu Sayyaf Leader Furuji Indama at eksperto sa paggawa ng bomba ay nasakote sa bahagi ng Governor Lim Avenue habang si Mukram ay nadakip sa follow up operation sa barangay Taluksangay.
Narekober sa mga ito ang isang hand grenade, cellphone, dalawang ID, isang improvised explosive device at kalibre kwarenta’y singkong baril.
Samantala, nagpapatuloy naman ang operasyon ng mga tropa ng pamahalaan para madakip ang isa pang miyembro ng Abu Sayyaf na kinilalang si Shayiff na ipinadala rin para manggulo.
—-