Tinuligsa ni Senador Manny Pacquiao ang planong pamimigay ng condom ng Department of Health sa mga paaralan.
Ayon kay Pacquiao, tila sinasabi ng nasabing hakbang na Ok lang na makipagtalik ang mga estudyante na isa aniyang kasalanan.
Dagdag pa ng Senador, ayaw ng Diyos ang pakikipagtalik sa konteksto ng pakikiapid at imoralidad.
Samantala, naniniwala si Senadora Grace Poe na dapat gawing available at accessible ang condom sa kababaihan pero hindi ito dapat ipilit sa kanila.
Pagdating naman sa kabataan, dapat aniyang mag-ingat sa pagpayag na maging bukas sa usapin ng mga sekswal na gawain.
Sang-ayon, aniya, siyang magkaroon ng kamalayan ang mga bata sa mga nangyayari sa buhay ngunit pinaalala niyang maaari silang maging padalus-dalos sa kanilang ginagawa at mga desisyon.
Sinabi ni Poe, mahalaga ang papel ng edukasyon dahil isa ito sa mga paraan para mamulat ang kabataan hindi lang tungkol sa sekswalidad kundi pati na rin kung paano alagaan ang kanilang kalusugan at pahalagahan ang sarili.
By: Avee Devierte