Muling kinuwestyon ng Stop and Go Coalition ang planong “jeepney phase-out” o modernization ng Department of Transportation (DOTr).
Partikular na ipinunto ni Stop and Go Coalition President Jun Magno ang magiging sistema ng bayaran sa ipauutang ng gobyerno sa mga jeepney operator.
“Matagal mong babayaran ang halagang yan, baka patay ka na ay hindi pa bayad yan, magkano ang pamasahe, 8 pesos? Paano mo babayaran yan? Samantalang ngayon wala ka naman utang at ang kinikita ng boundary ay diretso na sa pamilya mo at maintenance, ano ang mangyayari kapag nagkautang kami ng malaki, at saan mo dadalhin itong daang libong jeep na ito? Hindi malinaw kasi ang programa nila, sinasabi lang nila modernization, hindi nila sinasabi ang laman ng modernization.” Ani Magno
Ayon kay Magno, hindi pa sila ipinatatawag ni Transportation Secretary Art Tugade para sa isang dayalogo.
Nagbanta rin ang transport group leader na masusundan pa ang malawakang tigil-pasada hangga’t hindi pa sila nakapag-uusap ng DOTr.
“Kay DOTr Secretary Tugade malabo kami diyan dahil cannot be reached lagi yan, dito naman sa LTFRB, wala namang nangyaring dialogue, kinuwentuhan lang ng kinuwentuhan, walang nangyari, kaya ito mauuwi at mauuwi sa ganitong pangyayari hanggat hindi kami pinakikinggan ng gobyerno.” Pahayag ni Magno
Transport strike
Umarangkada na ang malawakang tigil-pasada ng mga transport group ngayong araw.
Inaasahang makikiisa sa transport strike ang mahigit dalawandaang libong (200,000) miyembro ng mga grupong PISTON o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop and Go Coalition at NJPOC o No to Jeepney Phase-out Coalition.
Ayon kay Goerge San Mateo, National President ng PISTON, ito ay bilang pagkondena nila sa jeepney modernization program ng pamahalaan.
Dahil dito, inihirit ni San Mateo na tulungan muna ang mga operator na tatamaan ng phase-out sa mga jeep na labing limang taon nang pumapasada.
Kasabay nito, may mga nakahanda namang bus ang LTFRB para sa libreng sakay sa mga ma-i-istranded na pasahero habang hinimok din ng ahensya ang mga driver at operator na gawing mapayapa ang kanilang aktibidad.
Sa isang statement, inihayag ng PISTON na kasama sa strike ang iba’t ibang grupo sa Cagayan Valley; Baguio; Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal; Sorsogon, Albay at Camarines Sur; Iloilo, Aklan, Capiz, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu at Leyte; Cagayan de Oro City at Bukidnon Province; at General Santos City at SOCCSKSARGEN.
Sa Metro Manila, magsisimula ang stike ngayong alas-6:00 ng umaga kung saan nagtipon-tipon ang mga driver, operator at mga supporter nila sa mga itinalagang protest center sa Monumento sa Caloocan; Alabang City terminal sa Muntinlupa; Airport Road, Quirino Avenue at Roxas Boulevard Service Road sa Baclaran; Anda Circle; Pedro Gil at Agoncillo St. at iba pang lugar.
Sinasabing magsasagawa rin sila ng protest caravan mamayang alas-11:00 ng umaga sa Elliptical Circle at Welcome Rotonda to Mendiola.
By Drew Nacino | Jelbert Perdez | Balitang Todong Lakas (Interview)