Hindi ipagpapaliban ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang planong power interruptions sa North Samar.
Ito ang binigyang diin ng NGCP kasunod ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan kung saan humihiling itong huwag na munang ituloy ang power shutdown ngayong araw (December 5), December 12 at 19.
Tinututulan din ng mga lokal na opisyal ang isinusulong ng NGCP na pagkakaroon ng lingguhang power interruption sa susunod na taon.
Ipinabatid naman ni Lope Canete, head ng NGCP Samar-Leyte area, kay Vice Governor Gary Lavin na magdudulot lamang ng mas malaking problema kung ipagpapaliban pa ang rehabilitation works sa mga linya ng kuryente sa naturang lalawigan.
Giit ni Canete, kailangang mapalitan agad ng bago ang mga nasirang poste dahil sa bagyo upang magtuloy-tuloy na ang power supply at serbisyo sa mga susunod na buwan.
***
Samantala, makakaranas naman ng 10 oras na power interruption ang 7 bayan sa lalawigan ng Pampanga sa Miyerkules, Disyembre 9.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, binalaan nito ang mga Local Government Units at mga pribadong kumpanya na maghanda para sa mga mahabang power outage.
Ayon kay NGCP Spokesman Ernest Lorenz Vidal, kabilang sa mga tatamaan ng power interruption mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ay ang mga bayan ng Porac, Bacolor, Guagua, Lubao, Sta. Rita, at Floridablanca.
By Jelbert Perdez