Ibinunyag ni dating National Security Adviser Roilo Golez na binabalak na ring magtayo ng istruktura ang China sa pinag-aagawang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni Golez tulad ng iba pang isla sa pinag-aagawang Spratlys, pinag-aaralan na rin umano ng China ang gagawin nitong reclamation sa nasabing bahura sa mga susunod na buwan.
Ginawa ni Golez ang pahayag kasunod ng kanyang pakikipagpulong sa mga mangingisda ng Masinloc, Zambales na umaaray na sa ginagawang panggigipit sa kanila ng China.
Nangangamba si Golez na maging isang malaking banta sa seguridad kapag natuloy ang planong ito ng China lalo’t 200 nautical miles ang layo ng Scarborough Shoal sa dalampasigan ng Masinloc.
Bagama’t hindi na pinagbabawalang mangisda ang mga Pilipino sa paligid ng bahura, hindi pa rin sila pinapayagang mapasok ang loob ng bahura na hitik sa yamang dagat.
Dahil dito, nananawagan ang mga mangingisda ng Masinloc sa China na igalang at sundin ang magiging kapasyahan ng International Aribtral Tribunal sa The Hague Netherlands.
US
May panawagan ang Amerika sa China at iba pang bansang umaangkin sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Igalang at sundin ang ipalalabas na desisyon ng International Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands anumang araw mula ngayon.
Ayon sa isang hindi nagpakilalang opisyal ng US State Department, magibibigay aniya ng malaking paglilinaw ang ipalalabas na desisyon ng Arbitral Court hinggil sa usapin.
Ito rin aniya ang magsisilbing basehan ng mga bansa para umusad sa panawgan ng China na magkaroon ng bilateral talks sa mga bansang umaangkin ng teritoryo tulad ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Una nang inihayag ni incoming President Rodrigo Duterte na kanyang hihintayin muna ang magiging desisyon ng Arbitral Court bago gumawa ng mga susunod na hakbang.
By Jaymark Dagala