Magpupulong ngayong linggo ang Inter-Agency Task Force Bangon Marawi para ilatag at itakda ang mga gagawing plano para sa rehabilitasyon ng lungsod.
Sa unang phase ng rehabilitasyon ng Marawi City, tututukan ang panunumbalik ng mga basic services tulad ng suplay ng tubig, kuryente, sanitasyon, edukasyon at pangkalusugan.
Ayon sa Malakanyang, ihahanda na rin ang temporary resettlement area na malayo sa lugar ng bakbakan bagama’t hindi pa tuluyang nalalansag ang teroristang grupong Maute.
Isinasapinal na rin ang deployment ng mga engineers ng AFP o Armed Forces of the Philippines na tutulong para sa pagpapatayo ng mga nasirang gusali tulad ng mga paaralan, moske, multi-purpose center at health centers.
In aid of legislation
Isusulong ni Senador Gringo Honasan ang pagsasagawa ng imbestigasyon in aid of legislation matapos ang ginawang pagsalakay at tangkang pagkubkob sa Marawi ng Maute terror group.
Sinabi ni Honasan, Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, kapag humupa na ang sitwasyon sa Marawi at oras na mapasimulan na ang rehabilitasyon at rekonstruksyon sa lungsod, maaari nang isulong ang imbestigasyon para pagpaliwanagin ang mga lokal na opisyal ng Marawi kung paanong malayang nakapag-imbak ng napakaraming armas, bala at pagkain ang Maute group.
Gayundin kung paanong sa Marawi pa mismo nagawa ang pagpaplano sa ginawang pag-atake sa naturang lungsod.
Una rito, sinasabing pinagplanuhan ng Maute group ang pag-atake sa Marawi City sa nakalipas na walong taon.
Krista De Dios / Meann Tanbio | Story from Aileen Taliping / Cely Bueno