Itinanggi ng Chinese Embassy ang alegasyon ng Commission on Elections o COMELEC na plano ng China na i-sabotahe ang 2016 national elections sa Pilipinas.
Ayon kay Chinese Embassy Spokesperson Li Lingxao, walang basehan at tsismis lamang ang pinalulutang ni COMELEC Commissioner Christian Robert Lim.
Malinaw aniya ang prinsipyo ng Tsina na iwasang manghimasok sa panloob na usapin ng ibang bansa kahit pa may territorial dispute sa West Philippine Sea.
Una ng inamin ni Lim na kinailangan nilang ilipat ang lokasyon ng factory na gagawa ng mga voting machine para sa May 2016 polls mula China patungong Taiwan matapos makatanggap ng intelligence reports na tatangkain ng Beijing na isabotahe ang halalan.
Gayunman, nilinaw ni Li na ang kasunduan sa pag-manufacture ng mga vote-counting machine ay sa pagitan naman ng COMELEC at Smartmatic na isang US company.
By Drew Nacino