Dapat agarang aksyunan at busisiin ng kinauukulang ahensya ng gobyerno ang plano ng transport network vehicle service (TNVS) companies na magpataw ng dagdag na dalawang porsyentong commission rate.
Ayon kay Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe, kawalang-konsyensya na sa gitna ng kahirapang nararanasan ang pagtaas ng kinakaltas na komisyon sa delivery riders at drivers ng ride-hailing apps.
Sa halip anya na bawasan ang kanilang kinikita, dapat pa ngang bigyan ang mga delivery rider at rider ng dagdag-benepisyo at social protection.
Ipinunto ni Poe na “vital frontliners” ang mga delivery rider at rider sa service sector dahil napanatili nilang gumugulong ang ekonomiya.
Una nang nanawagan sa LTFRB ang delivery riders at drivers ng ride-hailing apps na i-regulate ang pagtaas ng komisyon ng TNVS companies. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)