Tutol si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. sa planong magpatupad na rin ng travel ban sa Singapore sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanyang Twitter post, sinabi ni Locsin na hindi ibinabatay ang pagpapatupad ng travel ban sa bilang ng insidente, na-infect o nasawi dahil sa nabanggit na sakit.
Bagkus aniya ay sa kapabilidad ng isang bansa na kontrolin ang sitwasyon gayundin ang pagkalat ng sakit sa kanilang nasasakupan.
Iginiit ni Locsin na may kakayanan ang Singapore na pangasiwaan ang mga insidente ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Una nang nagtaas ng alerto ang Singapore para sa COVID-19 na tulad ng kanilang ipinatupad sa kasagsagan ng outbreak sa severe acute respiratory syndrome (SARS) noong 2003.