Madilim na bagong taon ang nagbabadyang sumalubong sa mga taga-Occidental Mindoro.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) ang napipinto muling pag-shutdown ng planta ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC), simula Enero 1 ng susunod na taon.
Itinuturong dahilan ang umano’y kulang at delay na pagbayad ng subsidy ng National Power Corporation (NPC) sa OMCPC kaya’t nagkakaproblema sila sa pagbili ng krudo.
Mula sa P310-M na utang ng NPC sa OMCPC para sa buwan ng Disyembre, P33-M pa lamang ang naibibigay na kulang umano pambili ng krudo upang paganahin ang planta.
Sa kabuuan, aabot na sa mahigit P1.1-B ang utang ng NPC batay sa mga kautusan ng Energy Regulatory Commission at mga inaprubahang power supply agreement, kabilang ang 50% subsidy penalty.
Iginiit ng OMCPC na tatagal lamang ang kanilang fuel supply hanggang December 31 at kahit sila ay nagkaroon din ng utang na P360-M simula noong Oktubre sa kanilang fuel supplier.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang OMECO sa lahat ng regulators at provincial leaders upang hindi matuloy ang naka-umang na shutdown.