May kaplastikan ka ba?
Hindi maikakailang malaki ang problema ng mundo sa plastic. Ayon sa datos ng World Bank, tumataginting na 2.7 million tons ng plastic ang naitatapon ng Pilipinas kada taon.
Sa sobrang dami ng plastic sa paligid, alam mo bang kahit ikaw, posibleng may plastic na sa loob ng katawan? Dahil ito sa microplastics.
Ang microplastics ay plastic particles na may sukat na mas mababa sa 5 millimeters. Sa sobrang liit nito, hindi na ito makita.
Maraming pinagmulan ang microplastics. Kabilang dito ang mas malaking plastic na nadurog, resin pellets galing sa plastic manufacturers, at microbeads na ginagamit sa health and beauty products.
Ayon sa researchers ng Laboratory of Microbial Oceanography sa France, may na-detect na microplastics sa lamang loob ng tao, partikular na sa lungs, spleen, kidneys, at placenta.
Maging ang dugo at testes ng mga lalaki, mayroon na ring plastic.
Hindi na nakagugulat ang resultang ito dahil kalat na sa buong paligid ang microplastic particles. Bukod sa nasisinghot ito sa hangin, maaari rin itong makapasok sa katawan natin sa pamamagitan ng pag-inom ng tap at bottled water, pagkain ng contaminated food, at paggamit ng derma products katulad ng toothpaste, lipgloss, at tattoo ink.
Hindi dapat ito ipagsawalang-bahala dahil ang mga kemikal na matatagpuan sa regular plastic ay nakaaapekto sa growth, metabolism, blood sugar, blood pressure, at reproduction.
Nararapat na bigyang prayoridad ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabawas sa plastic waste dahil malaki ang pinsalang naidudulot nito, hindi lamang sa kalikasan, kundi maging sa kalusugan natin.