Sinimulan na ng pamunuan ng Basketball World Cup ang disciplinary hearing sa nangyaring rambulan sa pagitan ng mga manlalaro ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Qualifiers na ginanap sa Philippine Arena sa Bulacan.
Ayon sa FIBA, ilalabas nila ang desisyon sa mga susunod na araw.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Chief Executive ng Australian basketball na si Anthony Moore.
Ayon kay Moore, ang nangyaring gulo ay malayo aniya sa diwa ng palaro na kanilang inaasahan.
Matatandaang siyam na manlalaro ng Gilas at apat mula sa Australia ang pinatalsik sa laban dahil sa nangyaring suntukan ng magkabilang koponan.
Nagsimula ang gulo sa kalagitnaan ng four minutes at 1 second ng third quarter kung saan kontrolado ng Australia ang game sa score na 79-48 nang magka-pisikalan sina Gilas Point Guard Roger Pogoy at Boomers Shooting Guard Chris Goulding.
Dahil dito, sinadyang sikuhin ng Australian big man na si Daniel Kickert si Pogoy kaya’t gumanti rin ng sapak si Jayson Castro sa player ng Boomer na kalauna’y nauwi na sa riot.
‘Hindi katanggap-tanggap’—Coach Chot Reyes
Hindi katanggap-tanggap para kay Gilas Pilipinas Coach Chot Reyes ang rambolan sa pagitan ng kanyang mga player at Australian Boomers sa kanilang paghaharap sa Qualifiers ng 2019 FIBA World Cup sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan.
Gayunman, ipinagtanggol ni Coach Chot ang kanyang team at ipinuntong hindi naman nila inasahan at ninais ang nasabing insidente.
Rumesponde lamang anya ang Gilas players sa maduming laro ng Boomer na si Daniel Kickert at ipinagtanggol si Roger Pogoy na siniko ng Australian player.
Bago pa ang insidente ay hinahamon na ng gulo ni Kickert sa warm-ups pa lamang nang mabangga niya sina Carl Bryan Cruz, Matthew Wright at Calvin Abueva.
Siyam na player ng Gilas ang ineject habang apat sa Australian team at kalauna’y natalo ang Pilipinas sa naturang game sa score na 89-53.
—-