Umarangkada na ang unang araw ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law o BOL sa Mindanao.
Alas-7:00 kanina nang buksan ng Commission on Elections (Comelec) ang 7,141 clustered precincts sa 1,228 voting centers sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Isabela City, Basilan at Cotabato City na susi umano upang makamit ang matagal nang inaasam na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
Mamayang alas-3:00 naman ng hapon isasara ang mga polling precinct habang isasagawa ang ikalawang plebesito sa Lanao del Norte, North Cotabato at 28 pang lugar sa Pebrero 6.
Sa oras na maratipikahan ang BOL, awtomatikong mapapabilang sa itatatag na Bangsamoro region ang buong ARMM.
Samantala, inaasahan naman ng Commission on Elections (Comelec) ang mataas na voter turnout sa plebisito para sa ratipikasyon ng BOL ngayong araw.
Ayon kay Commission on Elections o COMELEC Spokesman James Jimenez, posibleng umabot sa mahigit isang milyong botante ang dumaragsa sa iba’t ibang polling precincts upang makibahagi sa halalan.
Katumbas aniya ito ng 75 porsyento ng mahigit 2 milyong botante mula ARMM, Isabela City, Basilan at Cotabato City sa Maguindanao.
—-