Tiwala ang kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ma-didismiss ang kasong plunder laban dito bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno Aquino III.
Reaksyon ito ni Atty. Larry Gadon, dating Legal Consultant ni Arroyo makaraang palawigin pa ng 90 araw ng Korte Suprema ang status ante order o pagpapatigil sa Sandiganbayan na dinggin ang kaso ni Ginang Arroyo.
Kumbinsido si Gadon na mayroong nakitang matibay na basehan ang Supreme Court para pag-aralan pang mabuti ang mosyon ng kampo ni Ginang Arroyo na i-dismiss na ang kaso.
“Ang ginagawa ng Sandiganbayan kasi ay iniiba nila ang depinisyon ng plunder para patuloy nilang maipiit si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, kung ikaw ay isang abogado, at kung talagang ikaw ay sumusunod sa rule of law, ang plunder na yan ay conspiracy na crime, the act of one is the act of all, so kung pinakawalan mo yung iba, dapat pakawalan mo lahat, kung dinismiss mo yung petisyon ng iba for demurrer of the evidence dapat ibigay mo din yun sa lahat.” Pahayag ni Gadon.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas