Tiniyak ng PMA o Philippine Military Academy na walang foul play sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Erwin Christian Vergara.
Ayon kay Dr. Shiela Marie Jardiolin, isang doktor sa PMA, walang nakitang anumang marka ng pagpapahirap o kaduda-dudang mga marka sa katawan ni Vergara nang ipasuri ang labi nito kaharap ang kanyang mga magulang.
Nasawi anya si Vergara dahil sa hindi naagapang pagdurugo na sanhi ng kanyang ulcer.
Ipinaliwanag ni Jardiolin na posibleng nasa quiet stage ang ulcer ni Vergara nang sumailalim ito sa physical examination bago pumasok sa PMA kaya’t hindi nakita ng mga doktor.
Nasundo na ng kanyang mga magulang ang labi ni Vergara at iniuwi sa Alcala, Cagayan.
Sinagot na ng PMA ang lahat ng gastos sa ospital ni Vergara pati ang gastos sa pagpapalibing nito.
Maliban dito, makukuha rin ng pamilya ni Vergara ang iba pang benepisyo na laan para sa isang kadete ng PMA.
“Kapag may karamdaman ho ma-aabsent sila sa klase, eh may allowable na 20% absences lang so, kapag lumagpas sila ng 20% na absences matu-turn back ho sila. Ibig sabihin next year na ulit, yun ang nabanggit ni Vergara bago siya mamatay na ayaw niya raw ma-turn back”, pahayag ni Dr. Shiela Marie Jardiolin sa panayam ng DWIZ.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)