Nagbabala si Eastern Samar Representative Ben Evardone na tatanggalan pondo sa 2018 Proposed National Budget ang PNA o Philippine News Agency.
Ito’y ayon kay Evardone ay kung hindi pa rin magtitino ang mga tauhan nito sa pagpapalabas ng mga maling balita sa publiko.
Kasunod nito, nagbigay ng ultimatum si Evardone sa PNA para ayusin ang trabaho nito o kung hindi ay kaniyang isusulong ang balasahan o paglusaw sa ahensya.
Una nang inako ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang pananagutan sa sablay na ito ng pna at nangakong aaksyunan ang naturang gusot.
Pondo ng DOJ posibleng hindi muna ikunsidera
Pinag-iisipan ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na huwag munang ikunsidera ang panukalang pondo ng DOJ o Department of Jusctice para sa susunod na taon.
Ito ay matapos madismaya si Drilon nang hindi makapagbigay ng pagtaya ang DOJ at NBI o National Bureau of Investigation sa bilang ng mga kaso ng EJK o Extra Judicial Killing sa bansa na may kaugnayan sa kampanya kontra iligal na droga sa pagtalakay sa 2018 Proposed National Budget.
Ayon kay Drilon, posibleng itinatago ng mga ito ang datos kaugnay sa EJK kahit pa may ipinalabas na kautusan si Justice Secretary Vitaliano Aguirre noong Pebrero na nagbibigay otorisasyon sa NBI para imbestigahan ang mga naturang kaso.
Paliwanag naman ni Aguirre, nais lamang nilang maging tama ang ibibigay na impormasyon at walang intensyon na itago ang mga ito.
Kasabay nito ay humingi ng sampung araw si Aguirre para makapagbigay ng kumpletong datos kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa EJK sa bansa.