Ibinasura ng Philippine Nurses Association (PNA) ang panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na buwagin na ang licensure examinations.
Ipinabatid ni Melbert Reyes, National President ng PNA na kaagad nilang binaril maging ng board of nursing ang nasabing panukala ni Bello nang makipagpulong ito sa kanilang hanay kaugnay sa deployment ban sa health workers.
Sinabi ni Reyes na hindi u-ubrang hindi sumalang sa board examination ang mga nursing graduate dahil buhay ang kanilang hinahawakan kayat kailangang matiyak na competent ang health professionals.
Bababa aniya ang kalidad at level ng mga nurse sa bansa kapag hindi magbo-board exam ang mga nursing graduates.
Binigyang diin pa ni Reyes na ang board exams ay magsisilbing check and balance para sa kalidad ng edukasyon sa gitna na rin ng mga aniya’y naglipanang fly by night schools.