Kumpirmadong magiging seatmate ni Pangulong Benigno Aquino III si Chinese President Xi Jinping sa darating na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa susunod na linggo kasunod nang mainit na usapin sa pinag-aagawang teritoryo ng West Philippine Sea.
Kinumpirma ito ni National Organizing Committee Director General, Marciano Paynor at ipinaliwanag na ito’y kasama sa isinasagawa ng APEC kung saan ang dati, kasalukuyan at ang susunod na bansa na magho-host ay magkakatabi sa mga gaganaping pagpupulong.
Ani Paynor, isang pagkakataon ito para kay Pangulong Aquino at President Xi sa isang bilateral kung naisin man nila.
Nabatid na ang China ang nakaraang host ng APEC summit noong nakaraang taon habang ang Peru naman ang nakalinyang magiging country host sa susunod na taon.
By Mariboy Ysibido