Inakusahan ni Senador Juan Ponce Enrile si Pangulong Benigno Aquino III na sadyang inilihim sa pagitan nila ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima ang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Enrile, malinaw na sinira ng Pangulo ang command system ng Pambansang Pulisya maging ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Nanindigan si Enrile na may aktibong partisipasyon ang Pangulong Aquino simula pa lamang nang pinaplano ang operasyon para hulihin ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Iginiit ni Enrile batid at may basbas ng Pangulo ang bawat takbo ng Oplan Exodus.
Yung nga lang ayon kay Enrile, nabigo naman ang Pangulong Aquino na makapag-desisyon at umaksyon ng tama habang isa-isang pinapaslang ang SAF 44.
LISTEN: Bahagi ng pahayag ni Senator Juan Ponce Enrile
Nilinaw naman ni Enrile na layon lamang nito na matupad ang kanyang ipinangakong muling imbestigasyon ukol sa Mamasapano incident at mailabas ang buong katotohanan sa naturang madugong insidente.
LISTEN: Bahagi ng pahayag ni Senator Juan Ponce Enrile
Nanindigan naman si dating PNP Chief Alan Purisima na walang kinalaman ang Pangulong Noynoy Aquino sa pagpaplano sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 60 katao kabilang ang 44 na miyembro ng Special Action Force.
Iginiit ni Purisima na observer lamang ang Pangulo sa briefing ng Oplan Exodus na layong hulihin ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Binigyang diin ni Purisima na naplano at nailatag na ang lahat ng detalye sa Oplan Exodus bago pa man makipagpulong si dating PNP SAF Commander Getulio Napeñas sa Bahay Pangarap noong Enero 9 ng nakaraang taon.
No other operation
Mariing itinanggi ng sinibak na PNP Chief na si Alan Purisima na may iba pa siyang ikinasang operasyon maliban sa Oplan Exodus.
Kinabibilangan umano ito ng kanyang mga malalapit na tauhan para tugisin at likidahin ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Sa isang panayam kay Purisima bago ang pagdinig ng senado hinggil sa reinvestigation ng Mamasapano massacre, sinabi ni Purisima na wala siyang alam sa umano’y hiwalay na operasyon.
Sinabi ni Purisima, na ang nasabing impormasyon at tinutukoy na alternative truth ni Pangulong Noynoy Aquino na unang inilathala ng pahayagang Inquirer.
By Ralph Obina | Jaymark Dagala