Hindi pa rin sumusuko si Pangulong Benigno Aquino III kay Senator Grace Poe para maging Vice President ni Secretary Mar Roxas sa 2016 Presidential elections.
Sinabi ng Pangulo na hangga’t hindi natatapos ang filing ng certificate of candicacy ay umaasa silang mapapayag nila ang Senadora.
Iba pa rin aniya ang pagkakaisa dahil iisa ang layunin at mithiin na pagsilbihan ang mga Pilipino sa tamang pamamaraan.
Desisyon ng LP
Una rito, iginagalang ni Sen. Grace Poe ang pasya ng Liberal Party (LP) na itigil ang panghihimok sa kanya, sa halip ay maghanap o mag-nominate na ng iba pang magiging running mate ni DILG Sec. Mar Roxas.
Ayon kay Poe, hindi naman siya miyembro ng partido kaya’t prerogative nito na magdesisyon sa mga usaping may kaugnayan sa halalan.
Kumbinsido si Senate President Franklin Drilon na tuloy sa pagtakbo si Poe kaya’t hinimok nito na mag-convene na ang executive committee ng partido para makapag-nominate na ng magiging ka-tandem ni Roxas.
Naniniwala naman si Drilon na kahit hindi si Poe ang magiging katambal ni Roxas ay kaya ng manok nito na tumaas ang rating.
By Jelbert Perdez | Aileen Taliping (Patrol 23) | Cely Bueno (Patrol 19)