Dumating na sa bansa si Pangulong Benigno Aquino III mula sa dalawang araw na US-ASEAN Summit na ginanap sa Sunnylands, California.
Pasado alas-7:00 ngayong umaga nang lumapag ang eroplanong lulan ang Pangulo sa Gate 49 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Sa naging speech nito sa welcome ceremony na inihanda sa paliparan, inisa-isa ng Pangulo ang mga naging aktibidad niya sa nabanggit na summit.
Sa pakikipagpulong sa mga leader ng US at ASEAN, napag-usapan aniya ang pagpapanatili ng stabilidad at diplomasya sa bahagi ng West Philippine Sea at mga pinag-aagawang teritoryo. Ibinahagi din ng Pangulo na nagbahagi ang Pilipinas ng karanasan sa mga isyung may kaugnayan sa global pandemics at climate change.
Nakipagpulong din si PNoy sa mga business leaders kung saan isa sa mga dala niyang balita ay ang nakatakdang pagbisita sa bansa ng Chairman ng entertainment giant, Walt Disney.
Ayon sa Pangulo, nagpahayag ng kahandaan ang Walt Disney na tumulong upang mapalawak ang creative industries sa Pilipinas.
Ibinida nito ang pagkilala ng mga creative industries sa Estados Unidos sa talento ng mga Pinoy.
Nakipagkita din ang Pangulo sa Filipino community doon at ibinalita ang mga good news na aniya’y nangyayari sa bansa ngayon.
Idinagdag pa ni PNoy na isang napakalaking karangalan na maging kinatawan ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng mundo at sinabi pang napakasarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Aniya, damang-dama niya ang respeto ng ibang bansa sa pagtahak ng Pilipinas sa mga positibong pagbabago dahil sa Daang Matuwid.
Photo Credit: govph