Pinatitiyak ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga Transportation officials na hindi na dapat maulit pa ang nangyaring blackout sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong weekend.
Ito’y ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma makaraang ipatawag sa Malacañang sina DOTC Secretary Jun Abaya at MIAA General Manager Jose Anghel Honrado.
Sinabi ni Coloma, inatasan ng Pangulo ang dalawa na gumawa ng mga kaukulang hakbang upang maiwasan na ang pangyayari kung saan, maraming pasahero ang naperwisyo.
Maghapong nagpulong sina Pangulong Aquino, Abaya at Honrado sa President’s Hall ng Malacañang upang pagpaliwanagin sa nangyaring insidente.
Magugunitang halos 80 flights ang nakansela habang marami ang na-delay dahil sa pangyayari na nagdulot ng matinding perwisyo sa mga pasahero.
By Jaymark Dagala