Inabswelto ng Ombudsman si Pangulong Noynoy Aquino sa nangyaring engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na SAF commandos.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan na malinaw sa resulta ng imbestigasyon ng field investigation office na hindi maituturing na crime offense ang naging papel ng Pangulong Aquino sa Oplan Exodus.
Ayon kay Rafanan, malinaw na mula sa simula ay iginiit ng Presidente ang tamang koordinasyon para sa pagtugis sa dalawang international terrorist na target ng operasyon na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.
Ang naging partisipasyon aniya rito ng punong ehekutibo ay hindi maaaring batayan ng reklamong impeachment.
Samantala, inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang rekomendasyon ng special panel of field investigators para isalang sa preliminary investigation sina dating PNP Chief Alan Purisima, Police Director Getulio Napeñas at 9 na iba pang police officers.
Ayon kay Assistant Ombudsman Asryman Rafanan, ito ay may kaugnayan sa Mamasapano incident noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force.
Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga naturang opisyal ay grave abuse of misconduct, at usurpation of official functions sa ilalim ng revised penal code.
By Meann Tanbio | Jill Resontoc (Patrol 7)