Binigyan ng Liberal Party (LP) ng kalayaan ang Pangulong Noynoy Aquino na piliin ang magiging standard bearer ng partido sa 2016 elections.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, nagpaalam pa sa kanila ni House Speaker Feliciano Belmonte ang Pangulo bago nito isinagawa ang pakikipag-usap sa mga posibleng maging kandidato ng partido tulad ni Senador Grace Poe.
Gayunman, ipinahiwatig ni Drilon na sigurado namang magmumula sa Liberal Party ang kanilang standard bearer at ieendorso ng Pangulo sa 2016.
Maliban aniya sa talino at integridad, kailangang sapat rin ang karanasan ng kanilang magiging standard bearer.
Isa sa mga opisyal ng Liberal Party si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas samantalang independent candidate naman si Grace Poe.
“‘Yung magiging kandidato ng administrasyon ay dapat mataas ang IQ at mataas din ang IE, ‘yung IE naman siguro mataas ‘yung integridad at experyensya, kaya ‘yan po ang aking tingin at meron kaming mga kasama sa partido na talaga naman on this basis eh dapat bigyan ng pagkakataong humarap sa taong bayan.” Ani Drilon.
Samantala, itinanggi ni Senate President Franklin Drilon na si Senador Grace Poe ang pinatutungkulan niya hinggil sa “karanasan”, na isa sa mga katangiang dapat taglay ng magiging standard bearer ng Liberal Party.
Ayon kay Drilon, pare-parehong mayroong karanasan ang mga kinakausap ng Pangulong Noynoy Aquino para sa magiging line up ng Liberal Party (LP) at mga kaalyado nito sa 2016.
Una rito, sinabi ni Drilon na maliban sa talino at integridad, mahalaga ring mayroong karanasan ang magiging standard bearer ng Liberal Party.
Ipinahiwatig rin ni Drilon na hindi na kailangang maghanap ng ibang standard bearer sa labas ng LP dahil marami namang miyembro ang LP na mayroong talino, integridad at karanasan tulad ni DILG Secretary Mar Roxas.
“Marunong, ‘yung may integridad at mayroong experiyensya sa ating pamahalaan, kung sinasabi mo ay hindi kuwalipikado si Grace Poe, hindi po tama ‘yan, may experiyensya din po si Grace Poe.” Pahayag ni Drilon.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit