Hinamon ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga kabataan na protektahan ang tinatamasang demokrasya.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power revolution, hinimok ng pangulo ang mga kabataang makibahagi at magkaisa upang hindi na muling mabawi pa ang kalayaang ating tinatamasa sa ngayon.
Binigyang diin ng Pangulo na ang henerasyon ngayon ang siyang nakikinabang sa mga ipinaglaban noong People Power kayat malaya tayo sa maraming bagay ngayon.
“May kalayaan kayong kumita at mag-ipon, magmahal at magtayo ng pamilya, may kalayaang mangarap. Kayo ang pinakamakikinabang kung mapapangalagaan ang ating kalayaan, kayat nawa’y maunawaan ninyo ang tangan niyong responsibilidad, nawa’y mag-ambagan tayong lahat upang hindi na kailanman muling manaig ang kadiliman sa Pilipinas, nawa’y ang kalayaang kaytagal nating minithi ay hindi-hindi na mababawing muli.” Ani PNoy.
Experiential museum
Hinikayat naman ng Pangulong Aquino ang publiko na bisitahin ang EDSA People Power experiential museum sa Kampo Aguinaldo.
Ayon sa Pangulo, ito ay upang masaksihan at maranasan ang mga mahahalagang kaganapan noong EDSA revolution.
Sinabi ng Pangulo na samantalahin na ang pagkakataong ito dahil hanggang bukas na lamang tatagal ang experiential museum.
“Sulitin sana ninyo ang pagkakataong itong Makita kung gaano kahalaga ang kalayaan at demokrasya na nasa inyo nang mga kamay, naniniwala akong batid ng kasalukuyang henerasyon na yung tayog na naaabot nila bunga ng pagtindig nila sa pagsisikap at matinding pagsasakripisyo ng mga nauna sa kanila.” Pahayag ni Aquino.
By Ralph Obina
Photo Credit: govph/Malacañang photo bureau