Sinisi ng Gabriela Partylist Group ang Pangulong Benigno Aquino III sa kawalang-aksyon pa rin ng Japan sa kaso ng comfort women sa Pilipinas.
Ayon kay Gabriela Partylist Representative Luz Ilagan, nagkaroon na ng pagkakataon ang Pangulo nang bumisita ito sa Japan subalit, hindi man lang inungkat sa kanyang pakikipag-usap sa mga Japanese officials ang isyu ng comfort women.
Ipinahiwatig ni Ilagan ang kawalang pagpapahalaga ng gobyerno sa mga comfort women dahil 14th Congress pa lamang aniya ay mayroon na silang resolusyon kaugnay nito subalit namayani ang pagla-lobby ng Japan.
Sinabi ni Ilagan na may pagkakataon uli ngayon ang Pangulo sa pagbisita sa bansa ni Japanese Emperor Akihito na ungkatin ang mga comfort women sa Pilipinas.
Simple lamang aniya ang nais ng mga comfort women, humingi ng pormal na paumanhin ang Japan at magbigay ng kompensasyon sa mga babaeng naging biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga sundalo noong panahon ng digmaan.
“Magandang pagkakataon na sana yun nung nandun siya, meron siyang mga pag-uusap tungkol sa negosyo, sana sinabi na yugn comfort women issue, mahigpit na paalala lalong-lalo na meron na silang ginawa doon sa Korea, although hindi natuwa yung mga comfort women sa Korea dahil hindi yun ang kanilang hinihingi talaga sa Japanese government.” Pahayag ni Ilagan.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas