Wala pa ring imik si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at walang personal na mensahe sa babaeng minsang na-link sa kanya at pinagpantasyahan ng publiko na mauwi sa ‘romance’ ang relasyon, dalawang araw matapos makoronahan bilang Miss Universe 2015 si Miss Pia Wurtzbach.
Hindi nagpaunlak ng interview si Pangulong Aquino nitong Lunes sa Clark Air Base sa Pampanga matapos dumalo sa ika-80 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kahit sa signing ceremony para sa P3.2 trillion pesos 2016 General Appropriations Act (GAA), hindi rin nagkaroon ng pagkakataon na makapanayam ng mamamahayag ang pangulo.
Bago magtalumpati si PNoy ay ipinakilala ito ni Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa Jr., kung saan pabiro itong bumati sa audience na, “isang Miss Universe na umaga sa inyong lahat.”
Matatandaan na noong Marso, inamin ni Pia sa harap ni presidential sister Kris Aquino na madalas silang mag-usap ng 55-anyos na binatang pangulo ng bansa.
By Mariboy Ysibido