Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang 2016 General Appropriations Act na nagkakahalaga ng P3 trilyong piso.
Sa ginanap na seremonya sa Malacañang kahapon, inihayag ng Pangulo na ito ang ika-anim at huling budget na naipasa ng Kongreso sa tamang panahon kaya’t pinasalamatan ang lahat ng mambabatas na nanguna para mabuo at maipasa ang pambansang budget.
Ipinagmalaki rin ng presidente na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay hindi sila gumamit ng re-enacted budget di tulad ng nakalipas na administrasyon kaya nabalot ng katiwalian.
Ayon kay Ginoong Aquino, malaking bahagi ng 2016 budget ay ilalaan sa social services gaya ng pabahay, livelihood at iba pang pang-komunidad na proyekto.
Nakalaan din ang bahagi ng pondo para sa economic services gaya ng imprastraktura, agrikultura at transport at communications.
Tinitiyak naman ng Pangulo na magagamit ang pondo para i-angat ang buhay ng mga Pilipino para sa mas magandang kinabukasan.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)